BAGONG DRESS CODE PARA SA MGA KAWANI NG GOBYERNO, ITINAKDA NG CSC
Naglabas ng bagong Dress Code ang Civil Service Commission o CSC upang itaas ang morale, professionalism, at pagiging produktibo ng mahigit 2 milyong kawani ng pamahalaan.
Ang ipinapatupad na dress code ay batay sa Republic Act No. 9242 o Philippine Tropical Fabrics Law, CSC-DOH-DOLE Joint Memorandum Circular No. 1, s. 2020 o Occupational Safety and Health Standards for the Public Sector, at CSC Resolution No. 2200209 o Mga Patakaran sa Flexible Work Arrangements sa Pamahalaan at mga patakaran ukol sa kaligtasan, gender equality, at paggalang sa pagkakaiba-iba ng lipunan.
Saklaw nito ang lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaan, anuman ang estado ng trabaho, appointive man o elective, sa lahat ng ahensya at instrumentalidad ng gobyerno, kabilang ang mga constitutional bodies; departaments, bureaus at ahensya ng pambansang pamahalaan; government-owned and controlled corporations na may original charter; local government units; at mga state universities and colleges.
Sa ilalim ng binagong Dress Code, inaasahang magsuot ng ‘ASEAN-inspired’ na damit tuwing unang Lunes ng buwan, ‘Filipiniana-inspired’ clothing naman mula ikalawa hanggang ikaapat na Lunes, at opisyal na uniporme ng ahensya mula Martes hanggang Biyernes at tuwing weekend.
Nakapaloob din sa dress code ang bawal na pagsusuot ng sando, sleeveless tops, ripped jeans, leggings, maikling palda, shorts, tsinelas, sandals, sapatos na bukas ang daliri at sobrang alahas habang nasa opisyal na tungkulin.
Nilinaw ng binagong Dress Code na ang mga kinakailangan sa pag-aayos tulad ng hairstyle, haircut, o kulay ng buhok ay maaari lamang ipatupad kung ito ay kinakailangan para sa kaligtasan, propesyonalismo, pagkakaisa, branding, o kagustuhan ng kliyente.
Samantala, papayagan naman ang ‘exemption’ para sa may paniniwalang pang-relihiyon, kapansanan, kondisyon sa kalusugan, at iba pang nasa espesyal na sitwasyon tulad ng pagluluksa.
May inilaan na anim na buwan ang CSC sa bawat ahensya upang gumawa ng sariling alituntunin para sa pagpapatupad ng Dress Code na naging epektibo nitong ika-8 Disyembre taong 2024.

