BAGONG GYMNASIUM, HANDOG NG KAPITOLYO SA ELJ COLLEGE

Nagpatayo ng bagong gymnasium ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, sa pamamagitan ng Provincial Engineering Office, para sa Eduardo L. Joson Memorial College sa Palayan City.

Ayon kay Mariel Cruz, Presidente ng ELJ College, malaking tulong ito sa paaralan dahil dati ay wala silang gymnasium para sa malalaking aktibidad ng mga estudyante.

Sinabi naman ni Janella Fulgencio, isang third-year student ng Bachelor of Secondary Education Major in English, na malaking ginhawa ito lalo na sa mga estudyanteng may Physical Education at NSTP dahil hindi na sila mahihirapan sa init at hindi na rin nila kakailanganin pang maghanap ng ibang lugar para sa kanilang klase.

Naranasan umano niya noong nasa second year college pa lamang siya, na kapag nagba-volleyball sila, kailangan pa nilang maghanap ng ibang gymnasium sa labas ng paaralan upang makapaglaro nang maayos.

Ngunit ngayon, dahil sa bagong gymnasium, mas magiging maginhawa at mas maayos ang kanilang klase at iba pang mga aktibidad.

Kaya naman, nagpaabot ng pasasalamat ang pamunuan ng paaralan sa Kapitolyo, lalo na kina Governor Aurelio “Oyie” Umali, Vice Governor Doc. Anthony Umali, at dating Governor at Congresswoman Cherry Umali sa kanilang suporta sa edukasyon at kapakanan ng mga estudyante.