Nabigla ang bagong kasal na lalaki nang matuklasan, na lalaki rin pala ang pinakasalan niyang bride sa bansang Indonesia.

Matapos ang 12 araw ng kanilang pag-iisang dibdib, doon pa lamang niya nalaman ang totoong pagkatao ng kaniyang misis.

Na-shock ang 26-year-old na lalaking Indonesian nang matuklasan na ang pinakasalan niya ay lalaki ring nagbalatkayo lang bilang isang babae. Ang lalaking Indonesian ay nakilala lang sa pangalang AK.

Tinukoy naman ang kanyang naging misis na si Adinda Kanza Azzahra.

Ayon kay AK, nakilala niya si Adinda sa pamamagitan ng Internet kung saan naging maganda ang daloy ng kanilang komunikasyon.

Kaya nagdesisyon silang magkita nang personal. Aminado si AK na nabighani agad siya kay Adinda sa una pa lang nilang pagkikita dahil sa taglay na kagandahan nito.

Naulit ang kanilang eyeball nang ilang beses, at naglakas-loob na siyang yayain ang inaakalang babae para sa isang proper date.

May mga napansin na umano siyang kakatwa at kakaiba kay Adinda, pero ni minsan ay hindi siya naghinala na isa pala itong lalaki. Lagi daw may takip ng belo ang mukha ni Adinda.

Pero hindi niya iyon binigyan ng pansin.

Sa palagay niya ay masyado lang itong mahiyain, kaya lalo siyang naintriga sa personalidad nito.

Hindi nagtagal, niyaya na niya itong magpakasal. Pumayag naman umano ito pero meron itong kondisyon na bago pa man ang itinakdang kasal na ilihim muna at huwag iparehistro ang kanilang kasal.

Dahil sa mahinhin na pagkatao at sa mala babaeng boses hindi napansin ng mister ang namamagitan sa dalawang hita ng kaniyang misis.

Isinagawa ang seremonya sa harap ng isang religious leader ng Wangunjaya Village, kung saan nakatira si AK. Ang dowry ay itinakda lamang sa limang gramo ng ginto, Gayunpaman, matapos ang kasal ay ayaw pa ring magtanggal ni Adinda ng takip sa mukha kahit si AK na lang ang kaharap nito.

Ayaw rin nitong makihalubilo sa pamilya at mga kaibigan ng mister sa village.

Ang higit na nagbigay ng pagdududa kay AK, mula nang ikasal sila ni Adinda ay hindi pa sila nagkakaroon ng honeymoon.

Naibahagi ni AK sa kanyang mga kapamilya ang malungkot niyang sitwasyon at ang malalamig na gabing kanyang nararanasan kahit bagong kasal sila ni Adinda.

Kaya nagdesisyon ang mga ito na imbestigahan ang background ng kanyang misis.

Nang imbestigahan ng mga pulis, umamin si Adinda sa ginawang panloloko kay AK.

Sinabi niyang pera ang dahilan kaya niya nagawang magpanggap. Tuwing hihingi kasi siya ng pera kay AK ay binibigyan siya nito.

Kung paanong nahulog sa patibong ni Adinda si AK, sinabi ng Naringgul Police Criminal Investigation Unit sa Indonesian journalists na mukhang babae kasi talaga ito kapag naka-make-up.

Makikita rin umano sa wedding photos nina Adinda at AK na mistula itong babae lalo na nang maayusan. Maging ang boses umano nito ay maliit na para ring sa babae.

Nahaharap ngayon si Adinda—na ang tunay na pangalang panlalaki ay may initials na ESH—sa kasong paglabag sa Article 378 of the Criminal Code ng Indonesia, Posible rin siyang makulong ng hanggang apat na taon.