BAGONG MULTIPURPOSE BUILDING, MALAKING GINHAWA SA BARANGAY SAN ROQUE, GUIMBA
Isang Multipurpose Building ang itinayo sa Barangay San Roque, sa bayan ng Guimba na nagbibigay ngayon ng mas maayos at ligtas na pasilidad sa mga residente.
Ayon sa Kapitan ng Barangay na si Kapitan Myrna Villo, matagal nang hirap ang kanilang barangay sa kakulangan ng espasyo tuwing mayroong malalaking pagtitipon, dahil kulang ang lilim at hindi kasya ang lahat ng tao.
Kwento pa niya, ang kanilang lumang barangay hall ay marami na ring sira, lalo na sa bubong, kaya kapag umuulan ay tumutulo ang tubig sa loob.
Dahil dito, agad siyang gumawa ng resolution na humihiling ng bagong Multipurpose Building at inilapit sa Provincial Engineering Office.
Sa tulong nila Governor Aurelio “Oyie” Umali, Vice Governor Doc. Anthony Umali, at GP Partylist, ay mabilis na naaprubahan ang proyekto.
Kaya naman noong Hulyo 2024, dumating na rin ang mga materyales upang simulan ang konstruksyon ng naturang building.
Sa kasalukuyan, napapakinabangan na ng iba’t-ibang organisasyon ng barangay, kabilang ang mga senior citizens, kababaihan, at Rural Health Unit ang bagong gusali.
Kapag mayroong kalamidad, nagsisilbi rin umano ito bilang evacuation center upang mas mapangalagaan at masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Lubos ang naging pasasalamat ni Kapitan Villo sa pamunuan ng lalawigan, lalo na kina Governor Umali, sa pagsuporta sa pangangailangan ng kanilang barangay.
Hinikayat din niya ang kanyang mga ka-baranggay na pangalagaan at ingatan ang bagong gusali upang patuloy itong magamit ng mas marami pang mamamayan.

