BAGONG MULTIPURPOSE BUILDING SA BARANGAY TABACAO, HINDI LAMANG SENTRO NG OPERASYON, KUNDI ISA RING ATRAKSYON

Isang bagong multipurpose building ang matagumpay na naitayo sa Barangay Tabacao, Talavera, Nueva Ecija na ngayon ay gagamitin bilang opisyal na Barangay Hall, ayon kay Hon. Roniel Serrano, Kapitan ng nasabing barangay.

Nagsimula ang konstruksyon ng naturang gusali noong October 2024 at natapos noong March 2025.

Ang pagpapagawa ng bagong multipurpose building ay bunga ng matagal nang kahilingan ng mga residente dahil sa kalumaan at hindi na maayos na kondisyon ng kanilang kasalukuyang barangay hall, kung saan tuwing umuulan ay maraming bahagi na ang tumutulo, kaya naman gumawa at nagpasa sila ng resolution na humihiling ng bagong building sa Kapitolyo.

Ayon kay Kapitan Serrano, ang bagong gusali ay hindi lamang magsisilbing sentro ng operasyon ng barangay kundi isa na ring bagong atraksyon sa kanilang lugar dahil sa maganda nitong disenyo at estruktura.

Mahalaga umano ang bagong building para sa kanilang barangay dahil dito na isasagawa ang mga mahahalagang aktibidad tulad ng mga session at pagkuha ng dokumento.

Dagdag pa ni Kapitan, sa oras na makumpleto na ang mga kinakailangang kagamitan sa loob, agad na silang lilipat at magsisimula ng operasyon sa bagong Barangay Hall.

Samantala, bilang paalala sa kanyang mga kabarangay, hinikayat ni Kapitan Serrano ang lahat na pangalagaan ang bagong gusali upang ito’y mapakinabangan pa ng mas matagal at ng mas maraming tao.

Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga opisyal ng Kapitolyo na agad tumugon sa kanilang kahilingan.

Aniya, malaking tulong ito hindi lamang sa mga kasalukuyang opisyal kundi maging sa mga susunod pang henerasyon ng barangay.