BAGONG MULTIPURPOSE BUILDING SA NAMPICUAN, HATID ANG MAS MAGANDANG SERBISYO SA KOMUNIDAD
Upang matugunan ang pangangailangan ng komunidad sa mas maayos na pasilidad, isang bagong multipurpose building ang itinayo sa Barangay West Central Poblacion, Nampicuan noong July 2024.
Sa pangunguna ni Hon. Ariel Sadangsal, Kapitan ng barangay, at sa matiyagang pakikipag-ugnayan sa Kapitolyo, naisakatuparan ang proyekto matapos ang halos isang taon ng walang sawang follow-up sa resolusyong ipinasa sa tanggapan nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Doc. Anthony Umali.
Dahil sa mabilis na tugon ng Pamahalaang Panlalawigan, agad na sinimulan at natapos ang konstruksyon ng proyekto.
Ayon kay Kapitan Sadangsal, ang second floor ng gusali ay para sa mga aktibidad ng Sangguniang Kabataan, habang ang ground floor naman ay gagamitin para sa mga session, programa ng mga senior citizens, at iba’t-iba pang barangay activities.
Maaari rin umano itong gamitin bilang evacuation center tuwing may sakuna.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Kapitan Sadangsal sa Kapitolyo sa kanilang mabilis na pagtugon at suporta sa proyekto.
Hinikayat din niya ang kanyang mga ka-barangay na gamitin at pangalagaan ang gusali para sa kapakinabangan ng lahat.
Aniya, bukas ito para sa anumang gawain basta’t para sa kapakanan ng mga mamamayan ng West Central Poblacion.

