BAGONG SICSICAN PARALLEL BRIDGE SA TALAVERA, HATID AY MAGINHAWA AT MALUWAG NA PAGLALAKBAY SA MGA MOTORISTA
Pasasalamat ang ipinaaabot sa DPWH Region 3 at kay Governor Aurelio Umali ng mga mamamayang dumadaan sa bagong Sicsican Parallel Bridge sa bayan ng Talavera na pormal na binuksan para sa mga motorista noong November 18, 2023.
Matatandaan na isa ang Sicsican Parallel Bridge sa mga pagawaing proyekto na inireklamo ng taumbayan kay Governor Umali kaya inalam nito ang sanhi ng pagka-delay ng konstruksyon nito at patuloy na nangalampag upang madaliin ang pag-kumpleto sa tulay na inaasahang makakatulong na maibsan ang bigat ng trapiko.
Sinimulang gawin ang tulay na may budget na mahigit Php122.2-million mula sa national government noong June 14, 2018 ng mga contractor na Rebcor at Christian Ian Corporations.
Paliwanag ng DPWH, nabinbin ang pagpapagawa nito dahil sa isyu sa right of way at paglundo ng ilalim ng tulay.
Nang mapansin umano ng mga tauhan ng ahensya sa ginawang inspection ang problema ay kaagad nila itong ipinaayos sa mga contractor upang maiwasan ang pagbagsak ng tulay kaya tinitiyak nilang matibay ito.
Katunayan ang mga bus at truck na nakuhanan ng TV48 na dumadaan na dito.
Hiling lamang ng ilang residente ng Talavera ay lagyan ng karatula ang mga tulay sa Sicsican para hindi magkabanggaan ang mga sasakyan.
Kaagad naman itong tinugunan ng DPWH Region 3 kaya maayos na ang pag-byahe ng mga motorista sa bagong tulay ng Sicsican.

