Pinawi ng Department of Agriculture ang pangamba ng publiko hinggil sa napabalitang kaso ng rabies sa mga baka at baboy na unang napabalita sa mga lalawigan ng Marinduque at Pampanga.

Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Dante Palabrica, mahigpit na minomonitor ng mga provincial veterinarian ang naturang kaso kaya walang dapat ikabahala ang publiko.

Base sa tala ng DA, sa Marinduque ay nakapagtala ng tatlong kaso ng rabies ng baka at anim sa mga baboy habang nasa dalawampung baka naman ang infected noong 2023 matapos makagat ng asong pagala-gala na may naturang virus.

Upang matiyak na ligtas sa rabies, payo ni Palabrica na pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop. Target ng DA na mabakunahan ang 50 porsiyento ng 20 milyong populasyon ng pusa at aso. Dahil dito, naglaan ng P16 million ang ahensiya para sa bakuna at nakipagtulungan din sa iba pang pribadong sector.

Pinaalalahanan din ng DA ang mga konsyumer na kilatisin ang mga binibiling karne sa merkado at siguraduhing nailuluto nang mabuti bago kainin dahil sa oras na hindi maluto nang maayos ang mga karneng may rabies ay posibleng lumipat sa tao ang virus.

Ang sintomas ng rabies sa baka at baboy ay kaparehong sintomas sa mga aso at pusa. Ayon sa World Health Organization, halos 100% ng kaso ng rabies ay mauuwi sa kamatayan oras na lumabas na ang clinical symptoms sa biktima.

Kaya hinikayat din ang mga tao na magpakuna laban sa rabies dahil pwede naman itong ibigay bago o matapos ma-expose sa virus.