BANGBANG ROAD SA SAN SIMON, PAMPANGA, NAGMISTULANG “MINI RESORT” SA GITNA NG BAHA; DINAGSA NG MGA TAO
Mistulang “outing” ang eksena sa gitna ng baha sa bahagi ng Bang‑bang Road (Lakbangan) sa Barangay San Miguel, San Simon, Pampanga, matapos dumagsa ang mga pamilya sa lugar, bitbit ang kanilang mga pagkain, lamesa at upuan, softdrinks, at maging alak.
Viral ang drone video na in-upload ng content creator na si Drone ShotPuno sa Facebook na nakakuha ng 4.7 million views, higit 68k reactions at higit 2k comments.
Sa nasabing video, makikitang ang dating kalsadang binaha ay biglang naging tila “mini resort”, ilang pamilya at grupo ng kabataan ang namamasyal, naliligo, nagkakasayahan, at tila walang alintanang panganib sa paligid.
Caption ni Drone ShotPuno sa video, “Baha ka lang, Pinoy kami, Resort na walang entrance fee”.
May mga nagkomento naman ng “Basta Pinoy Talaga, negative na kaya pa gawing positive, happy lang lagi”, mayroong nagsabi na “Pinoy mentality always positive baha lang yan pinoy tayo”, habang ang isa naman ay nagpahayag ng “Yung baha na nga sa inyo pero ginawa nyo lang na outing yung baha, ang kulit”, at ang isa naman ay nagsabing “Yan ang katangian ng Pinoy baha na masasaya pa.”
Ngunit sa kabila ng tila masayang eksena, may mas seryosong isyu sa likod ng pagbaha.
Ang bahagi ng Bang‑bang Road kung saan naganap ang “outing” ay malapit sa isang nasirang dike dulot ng sunod-sunod na bagyo, isa sa mga istrukturang hindi nakapigil sa pag-apaw ng tubig mula sa Pampanga River at mga kalapit na kanal.
Sa damage report ng provincial government ng Pampanga, naitala sa San Simon ang partially damaged flood control na nagkakahalaga ng Php132 million.

