Patok ngayon sa mga mahihilig sa inihaw na pagkain ang bagong bukas na bar and grill na Sugbaan Kay Pepe sa Cabanatuan City. Ayon sa pamunuan ng establisyemento, ang salitang “sugbaan” ay hango sa wikang Bisaya na ang ibig sabihin ay ihaw o inihaw.
Nagbukas ang Sugbaan Kay Pepe noong March 1, 2026, kung saan tampok sa kanilang menu ang iba’t ibang uri ng inihaw na pagkain. Kabilang sa pinaka-patok na putahe dito ang inihaw na tuna panga at tuna belly, na kilala sa laki ng serving at abot-kayang presyo.
Ayon pa kay Paguinto, umaabot sa 800 gramo hanggang isang kilo ang timbang ng kanilang tuna panga na nagkakahalaga lamang ng P998. Direkta umano itong nagmumula sa General Santos City, na kilala sa de-kalidad na tuna.
Kabilang rin sa kanilang house specials ang Sugba Kilaw ni Pepe sa halagang P298 ; P368 naman ang Pork Saurci ni Pepe; Sinigang na Panga ni Pepe sa halagang P648; Bulalo ni Pepe na P748; habang P158 naman ang Canton ni Pepe. Mayroon rin silang mga appetizers at beer bottles. Kaya naman swak talaga sa barkadahan at pamilya.
Bukod sa mga inihaw na pagkain, nagdagdag na rin sila ng iba pang putahe tulad ng Chinese dishes, pansit at pasta upang mas marami pang pagpipilian ang mga customer.
Dahil sa malalaking serving at abot-kayang presyo, paborito umano ito ng mga barkadahan at pamilya. Maganda rin umano ang feedback ng kanilang mga naging customer dahil bukod sa nasasarapan sa pagkain ay nag-eenjoy din sila sa kanilang dining experience.
Bukas ang Sugbaan Kay Pepe araw-araw mula 1:00 ng hapon hanggang 11:30 ng gabi, at tumatanggap din sila ng delivery orders sa pamamagitan ng kanilang Facebook page.

