Matapos manalo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election noong October 30, 2023, may mga bagong opisyal ang pinalitan ang mga bagong empleyado ng barangay partikular na ang kalihim at treasurer sa barangay.

Ngunit sa ibang lugar, bagama’t may nais ding magpalit ng mga empleyado ay nag-aalangan itong gawin sa takot na baka lumabag sila sa batas.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government, maaaring wakasan ng mga bagong halal na opisyal ng barangay ang mga serbisyo ng mga empleyadong itinalaga ng mga pinalitang punong barangay ngunit binalaan ng tanggapan na kinakailangang magkaroon ng pagsang-ayon ng mayorya ng barangay council.

Ayon kay DILG Provincial Director Atty. Ofelio A. Tactac Jr., may kapangyarihan ang bagong kapitan kasama ang sangguniang barangay na palitan ang sinuman dahil ang bisa ng appointment ng lahat ng posisyon sa barangay gaya ng barangay health workers at tanod ay coterminous lamang maliban sa mga miyembro ng Lupon ng Tagapamahala na tatlong taon ang termino.

Ipinaliwanag din ni Atty. Tactac na kung nais ng bagong halal na opisyal na maglagay ng bagong kalihim at treasurer sa barangay ay kinakailangang aprubahan muna ito ng mayorya ng lahat ng miyembro ng barangay council.

Sa mga barangay officials na natapos na ang termino ng panunungkulan, sinabi ng DILG na wala silang benepisyong makukuha tulad ng separation at retirement dahil ang mga inappoint o hinirang na empleyado ng barangay ay binabayaran lamang sa pamamagitan ng honoraria. Habang ang mga secretary at treasurer ng barangay ay maaaring kumuha ng kanilang civil service eligibility sa Civil Service Commission.

Binigyang diin din ng DILG- Nueva Ecija ang mensaheng ibinaba ni Interior Secretary Benhur Abalos sa mga new elected barangay officials na iwasan ang umano’y gantihan o palitan ang mga nadatnan ng barangay workers o tanod kung may kakayahan namang ipagpatuloy ang mga programa at serbisyo sa komunidad.

Sa mga nais idulog ng kanilang reklamo sa empleyado ng barangay ay maaaring sumangguni sa tanggapan ng DILG sa bawat munisipyo o kaya naman ay pumunta sa DILG Main Office na matatagpuan sa Old Capitol Compound, Cabanatuan City.