BARBERONG ARTIST, GUMAWA NG 3D ART NA BUWAYA GAMIT ANG BUHOK
Viral ngayon sa social media ang kakaibang obra ni Boy Buhok, isang barbero at artist, matapos niyang likhain ang isang 3D art na buwaya gamit lamang ang mga ginupit na buhok ng kanyang mga customer.
Sa video na ibinahagi niya sa Facebook, makikita ang mala-totoong anyo ng buwaya na kanyang binuo sa mismong sahig ng barber shop.
Ayon sa kanya, nagawa niya ito matapos maglinis ng buhok ng customer at bigla na lamang naisipang gumawa ng kakaibang sining at dahil malaking usapin ngayon ang mga tinaguriang “buwaya” ay naisipan niyang itampok ito sa kanyang obra.
Umabot na sa 27 milyong views, 1.1 milyong reactions, mahigit 67,000 shares, at 60,000 comments ang naturang post na hinangaan dahil sa malikhaing paraan ng pagpapahayag.
Aminado si Boy Buhok na ito ang unang pagkakataon na gumawa siya ng ganito kalaking 3D art gamit ang buhok, at bagaman alam niyang mabubura rin ito kaagad, mas pinili niyang tapusin ang sining upang magbigay ng kasiyahan at inspirasyon sa kanyang mga manonood.
Aniya, ang hindi madaling mabubura ay ang alaala at mensaheng iniwan ng buwaya, ang kasakiman na patuloy na nararamdam ng taong bayan.
Dagdag pa niya, sana kapag nakita ng kapwa niya Pilipino ang kanyang likha ay maalala nilang hindi lahat ng mukhang buwaya ay dapat katakutan.
Minsan, sila pa ang nagpapaalala sa atin na hindi lahat ng mabangis ay masama, at hindi lahat ng maamo ay mabuti.
Dahil sa kanyang malikhain at makabuluhang obra, marami ang pumuri kay Boy Buhok hindi lamang bilang barber kundi bilang artist na may malalim na mensaheng panlipunan.

