BARYANG NAIPON, MOTORSIKLO ANG NAGING KAPALIT: TATAY SA PANGASINAN, HINANGAAN

Umani ng paghanga sa social media ang isang tatay matapos makabili ng kanyang pinapangarap na motorsiklo gamit lamang ang mga baryang kanyang matiyagang inipon.

Sa isang video na ibinahagi ni Danica De Guzman ng Motortrade Mangaldan Honda 3S Shop, makikitang sama-samang nagbilang ng mga barya ang mga empleyado ng shop upang iproseso ang pagbili ng motorsiklo ni Tatay.

Bawat baryang itinabi ay bunga ng kanyang pagsisikap at pagtitiyaga sa araw-araw.

Ayon sa re-post ng Motortrade, walang sinayang na kahit isang sentimo si Tatay, pinatunayan niya na gaano man kaliit ang halaga ng barya, kapag pinagsama-sama at pinaglaanan ng sipag at tiyaga, maaari itong maging susi para sa katuparan ng pangarap.

Hindi rin nagpahuli ang mga netizen sa pagbibigay-pugay, isa sa kanila ang nagmagandang loob at hinanap si Tatay upang regaluhan ng helmet at panggasolina—na kalaunan ay naibigay na rin sa kanya.

Batay sa ilang komento, nakilala si Tatay bilang taga-Sitio Dalumat, San Jacinto, Pangasinan.

Marami ring netizen ang nagpahayag ng paghanga at inspirasyon, ngunit hindi naiwasang ikumpara ng ilan ang sakripisyo ng karaniwang mamamayan sa mga umano’y katiwalian ng ilang opisyal ng pamahalaan. “These kind of people grind and sacrifice daily just to make both ends meet… meanwhile, from their taxes other people buy luxury cars,” ayon sa isang komento.

Gayunpaman, mas nangingibabaw ang mensahe ng inspirasyon na dala ng kwento ni Tatay, para sa marami, walang kapantay ang tamis ng tagumpay kapag ito’y bunga ng sariling pawis at tiyaga.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay pumalo na sa mahigit 7.2 milyon views at 300,000 reactions ang post ni De Guzman, habang umabot naman sa 24 milyon views at higit 600,000 reactions ang re-post ng Motortrade sa kanilang opisyal na Facebook page.