BASANG PALAD, TUYONG HAPAG
Kanin, isang pangunahing kalahok sa hapag ng mga Pilipino. Mga namumuting butil na mula sa dugo at pawis ng ating mga magsasaka.
Ngunit sa laki ng kontribusyon na binibigay ng ating mga magsasaka, maliit lang ang kanilang natatanggap kapalit ng kanilang pagsisikap. Ni sarili nilang ani hindi nila matikman dahil mas kinakailangan pa nila maibenta lahat ng kanilang palay para makapaghain sa sariling hapag.
Isa si Wilfredo Bautista sa mga umaasang matumbasan ang kanilang pagsusumikap ngunit ang pagsasaka ay parang siklong nais nilang malagpasan.
Ang pagsasaka raw ay wala pa ring kasiguraduhang magbibigay ng kita. Sa pagsasaka ni Tatay Wilfredo sa halos lagpas kalahati na ng kanyang buhay ay nakasanayan na raw niya ang ganitong sitwasyon.
Hindi lamang peste at kalamidad ang mga bumabagabag sakanila kundi pati ang problemang dinadala ng presyo ng palay na bumaba nanaman sa inaasahang halaga.
Dala ng kahirapan, wala naman kami resources, gamit, dina-direct na binebenta, kung ibibilad madaming mawawala, madaming mababawas.
At sa iba’t-ibang sanhi na nagbibigay bunga sa kanilang kinakaharap para kay Tatay Wilfredo isa ang nangingibabaw.
Ang Rice Tarriffication Law o Republic Act. No. 11203 ay ang pagtanggal ng limitasyon sa importasyon kapalit ng pagpapatong ng taripa o buwis dito. Kung kaya nitong nobyembre, ikinukonsidera ang pilipinas bilang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo. Ayon sa mga datos ng Bureau of Plant Industry, umaabot sa 3.9 milyong tonelada ang nai-angkat sa bansa.
At sumesentro rin ang kawalan ng suporta ng gobyerno sa ating magsasaka. Bakit ang mga magsasakang taga ibang bansa ay dinadayo pa ang pag-aaral ng agrikultura rito sa atin at sila pa mismo ang mga nagpapasok ng bigas sa bansa. At bilang isa sa mga pangunahing lokal na taga-suplay ng palay, mas lalong umaaray ang mga magsasakang taga-sentral Luzon.
Kaya para kay Tatay Wilfredo ito ang maaari at dapat gawin ng gobyerno upang malutas ang patuloy at matagal nang pinoproblema.
At ang naging panawagan din ng mga grupo ng magsasaka sa nakaraang protesta ay ang pagtaas ng presyo ng palay sa pagtatakda ng tamang presyo para sa pagbili nito kasama na rin ang pagtitigil sa importasyon ng bigas sa bansa.
Sa pagbibigay prayoridad ng gobyerno sa ating agrikultura ay maaaring mag-abot sila ng mga libreng inputs, maglaan ng pondo sa pagbili ng mga kagamitan upang hindi na nanghihiram ating magsasaka at ang ipangbabayad sana nila sa mga uutangin ay magiging kita na lang nila. Baka sa ganito maibsan at gumaan ang kanilang pinapasan habang tinatanim ang kapalaran ng kanilang kinabukasan.
Kasi kundi sila tutulungan ng gobyerno, sino ang magpapakain sa atin? Aasa na lang ba tayo sa imported na bigas?

