BASIC ACCOUNTING FOR NON-ACCOUNTANT SEMINAR, ISINAGAWA PARA SA MGA KOOPERATIBA NG CARRANGLAN
Nagsagawa ng seminar para sa mga kooperatiba ng Carranglan, N.E ang Provincial Cooperative and Enterprises Development Office (PCEDO) dahil marami sa mga kooperatiba ang nahihirapan sa paggawa ng financial statements na kailangan upang makakuha ng Certificate of Compliance mula sa Cooperative Development (CDA).
Kaya hindi sila nagkakaroon ng access sa mga prebelehiyo, loan, at tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na dapat sana ay abot kamay nila.
Itinuro sa seminar ang tamang paggamit ng CAMU-FSS o Cooperative Accounting Management Utility – Financial Statement Spreadsheet.
Ito ay ang na develop na system ng PCEDO na ibinibigay nila ng libre sa bawat kooperatiba upang mas mapadali ang pagsasaayos nila ng kanilang mga financial statements.
Nagpapasalamat si Municipal Cooperative Officer Joan Jel Lynne Tabares dahil isang tawag lang umano nila sa Kapitolyo ay agad-agad silang pinagbibigyan sa kanilang kahilingan kaya ramdam na ramdam nila ang suporta ni Governor Aurelio Umali sa pamamagitan ng mga ganitong programa hanggang sa mga utility at technical assistance.
Ayon kay POD Chair Evangeline Pasiglao ng Carranglan Secondary School Teachers and Employees Credit Cooperative, malaking ginhawa ang dulot ng training lalo na sa tulad nilang kooperatiba na nagbabayad pa para mai-paayos lang ang kanilang financial statements.
Sa panayam kay Municipal Administrator Ricardo Ferrer Jr., bihira umano ang ganitong training lalo na at ang bayan nila ay nasa lilib pang lugar kaya naman nagpaabot siya ng pasasalamat sa Kapitolyo.
Mula noon hanggang ngayon ay suportado umano ni Mayor Rogelio Abad ang bawat kooperatiba sa Carranglan dahil naniniwala siya na ang pag-unlad ng bawat kooperatiba ay pag-unlad ng bayan.

