Nanawagan si Senador Bam Aquino ng agarang pagpapalakas ng suporta para sa tinatayang 5.1 milyong batang Pilipino na may kapansanan o Children with Disabilities (CWDs).
Kasabay ito ng pag-amin sa malaking kakulangan ng bansa sa pagtugon sa kanilang pangangailangan.
Sa plenary session, sinuportahan ni Aquino ang pahayag ni Senador Raffy Tulfo kaugnay ng umano’y patuloy na pagpapabaya sa sektor ng mga batang may kapansanan.
Dahil sa kabila aniya ng pagpasa ng Inclusive Education Act, nananatiling kulang sa pondo at suporta ang mga mag-aaral na may special needs at madalas ay hindi napapansin ng pamahalaan.
Batay sa datos ng EDCOM 2 (Second Congressional Commission on Education), 8% o humigit-kumulang 391,000 lamang sa 5.1 milyong batang may kapansanan ang may rekord o nakatala sa mga paaralan.
Ibinunyag din ng Senador na 61% ng mga naka-enrol na mag-aaral na may kapansanan ay walang pormal na medical diagnosis dahil sa mataas na halaga ng clinical assessment. Kaya napipilitan ang mga guro na umasa na lamang sa obserbasyon ng mga senyales o “manifestations” ng bata.
Marami rin aniyang magulang ang lumalapit sa kanyang tanggapan dahil sa kawalan ng sapat na pampublikong pasilidad at sa napakamahal na gastusin sa pribadong therapy.
Dagdag pa rito ang kakulangan sa mga guro, kung saan 32% lamang ng mga mag-aaral ang may access sa specialized teacher. Mas pinalala pa umano ito ng napakaliit na pondo—mula ₱333 hanggang ₱488 lamang kada mag-aaral para sa buong taon sa ilang paaralan.
Bagaman 69% ng Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs) sa bansa ang naitayo na, sinabi ni Aquino na nananatili ang mga ito bilang “empty shells” dahil sa kakulangan ng mga therapist at specialist na magpapatakbo sa mga pasilidad.
Dahil dito, nanawagan si Aquino ng masinsinang koordinasyon at mabilis na aksyon mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno upang tugunan ang krisis sa edukasyon ng mga batang may kapansanan.

