BATANG NOVO ECIJANA, WAGI SA INTERNATIONAL PAGEANT SA NEPAL; ISINUSULONG ANG EDUKASYON SA GITNA NG TAGUMPAY

Muling pinatunayan ng batang Pinay na si Faye Lindsay Eduardo, labing isang taong gulang, ng bayan ng Jaen, Nueva Ecija na walang edad ang sukatan ng husay at layunin sa buhay.

Sa edad na 11, wagi siya sa prestihiyosong Model Tourism Ambassador World sa ginanap na International Pageant sa Nepal noong Abril 5–11, 2025.

Sa ilalim ng Kids Category B, itinanghal si Lindsay bilang kampeon laban sa mga kalahok mula sa anim na bansa.

Ang kompetisyon ay nilahukan ng mga delegado mula edad 5 hanggang 62, na lumahok sa iba’t ibang kategorya.

Bukod sa pangunahing titulo, nakuha rin niya ang parangal bilang Best in Catwalk.

Si Lindsay ay kinatawan ng Mister and Miss Homeland Philippines, isang organisasyong nagsusulong ng mga kabataang may potensyal sa larangan ng pageantry at adbokasiya.

Siya ay nagsimulang sumali sa mga patimpalak sa edad na 5 at ngayon ay may apat nang internasyonal na titulo, ngunit ayon sa kanyang ina, hindi lamang korona ang layunin ni Lindsay, kundi ang pagkakaroon ng mas malawak na koneksyon upang maisakatuparan ang kanyang mga layunin para sa kapwa kabataan.

Isa sa kanyang pangunahing adbokasiya ay edukasyon, nitong Pebrero, matagumpay nilang nailunsad at naipamahagi ang isang children’s book na isinulat ni Lindsay kasama ang tatlong iba pa.

Ang libro ay tumatalakay sa mga istoryang nagbibigay-aral para sa mga bata at ipinapamahagi ng libre, una sa Malabon at sa kasalukuyan ay planong dalhin sa Nueva Ecija.

Ang proyekto ay naisakatuparan sa tulong ng mga donasyon at sponsor simula noong Setyembre 2024.

Hindi rin siya nalalayo sa pagkilala sa ibang larangan, dahil kamakailan lamang ay kinilala siya sa 100 Finest International Golden Seal of Merit Award.

Nakasama na rin siya sa isang pelikula, patunay ng kanyang multi-talento at determinasyon.