Pormal nang nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ang Republic Act No. 11984 o ang “No Permit, No Exam” Prohibition Act sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.
Sakop ng naturang batas ang basic education institutions o K to 12, higher education institutions, at technical-vocational institutions.
Dahil dito, kinakailangan ng bawat paaralan na pahintulutan ang mga estudyante na hirap na makabayad ng matrikula o iba pang school fees na makapag-take pa rin ng kanilang periodic at final examinations nang hindi na kinakailangan pa ng permit.
Itinatakda rin sa bagong batas na ang local social welfare development officer ng bawat munisipalidad, lungsod, probinsiya o regional ng Department of Social Welfare and Development na tukuyin ang mga mag-aaral na kabilang sa ikokonsiderang “disadvantage students”.
Layon nito na mabigyan ng ahensya ng certificate ang mga apektadong mag-aaral na biktima ng kalamidad, mayroong kinakaharap na emergencies, force majeure, at iba pang mga good and justifiable reasons na pasok sa mga regulasyon na itatakda ng DSWD.
Bukod dito ay minamandato rin sa naturang batas na payagan ang mga ito na makuha ang kanilang relevant records at credentials.
Gayunpaman, ang mga paaralan ay awtorisadong mag-atas ng pagsusumite ng isang promissory note, pag-hold ng mga rekord at kredensyal ng mga mag-aaral, at gumamit ng iba pang mga legal at administratibong remedyo para sa pangongolekta ng mga bayarin.
Samantala, ang mga education institution na hindi susunod sa probisyon na batas ay maaring maharap sa administrative sanction na ipapataw ng Department of Education, Commission on Higher Education, o di kaya ng Technical Education and Skills Development Authority.
Lubos naman ang pasasalamat ng principal author na si Senador Bong Revilla kay President Bongbong Marcos Jr. nang maging batas na ang “No Permit, No Exam Prohibition Act,” o Republic Act No. 11984.

