BAWAL MAGBIGAY NG PAGKAIN, INUMIN SA KAMPANYAHAN PARA SA BARANGAY AT SK ELECTION, IPINAALALA NG COMELEC
Ipinaalala ng Commission on Elections ang mga ipinagbabawal ngayong kampanyahan para sa Barangay at SK Election mula October 19 hanggang October 28, 2023.
Sa aming panayam sa COMELEC Nueva Ecija, P5 kada rehistradong botante lamang ang pwedeng gastusin ng mga kakandidato sa nasasakupan kung saan sila naghain ng kanilang kandidatura kabilang na ang kanilang travel expenses at campaign personnel habang nangangampanya, printing and distribution of materials, pagtatalaga ng mga watchers, newspaper, radio and TV advertisements.
Sa ilalim ng Urgent Memorandum No. 23-0691, bawal magpamigay ng pagkain o magpainom sa mga botante habang o pagkatapos ng mga campaign sorties.
Hindi rin awtorisadong bumili at magpamigay ng mga t-shirts, ballers, bags, sombrero, payong at iba pang paraphernalia para sa mga voters.
Sinabi ng COMELEC na hindi pinapayagan ang mga campaign assemblies, entertainment at pamamahagi ng pagkain dahil maikokonsidera ito na isang vote buying o pagbili ng boto.
Sa memorandum na inilabas ng COMELEC, ang mga posters, tarpaulins at individual posters ay maaaring ilagay sa mga common poster area o private property na hindi lalagpas sa sukat na 2×3 feet.
Hindi rin pwede ang paggamit ng campaign o propaganda materials na lalabag sa gender sensitivity principles, malaswa, at discriminatory, gayundin ang mga poster o tarpaulin na walang nakasulat na “Political advertisement paid for/by.”
Binigyang diin din ng COMELEC na ang sinumang bibili at magbebenta ng boto ay maituturing na Election Offense at may kaparusahan ng pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon bukod pa sa ibang parusa na itinakda ng batas.
Ang kandidato na mapapatunayan ng COMELEC na gumawa ng alinmang akto ng pagbili ng boto ay diskwalipikado.
Sa mga may reklamo, maaaring pumunta o magsumbong sa Provincial COMELEC sa Cabanatuan City o sa mga Office of the Election Officer sa bayan o lungsod ng lalawigan.

