BAYANIHAN NG MGA LINEMAN SA CARRANGLAN, UMANI NG PAPURI MULA SA NETIZENS

Habang kaliwa’t kanan ang reklamo ng mga konsyumer tuwing nawawalan ng kuryente, may mga taong tahimik na nagsasakripisyo upang maibalik ang liwanag sa mga tahanan.

Umani ng papuri at positibong komento mula sa mga netizen ang Facebook post ng NEECO II – Area 1, matapos nitong ibahagi ang video ng bayanihan ng kanilang mga lineman sa Carranglan.

Makikita sa video ang mga lineman na magkakatuwang na buhat-buhat ang isang malaking poste ng kuryente sa gitna ng mabundok na bahagi ng bayan.

Sa caption ng naturang post: “This is what it looks like. Bayanihan at Carranglan para mas mapaghusay ang serbisyo sa inyo.”

Isa sa mga nagkomento, na dating lineman din sa nasabing bayan, ang nagpahayag ng kanyang pag-unawa at paghanga sa sakripisyo ng mga manggagawa.

Aniya, alam niya kung gaano kahirap ang trabahong ito lalo na sa mahirap na lokasyon.

May isa ring netizen ang nagsabing sana ay magkaroon ng kaunting konsiderasyon ang publiko, lalo na kapag nagkakaroon ng power interruption.

Sa kabila ng pagod, hirap, at panganib ng kanilang trabaho, may mga pagkakataon pa rin umanong nakakatanggap ng batikos ang mga lineman mula sa ilang consumers.

Gayunpaman, mas nangingibabaw ang pasasalamat, paghanga, at panalangin mula sa mas nakararami para sa kanilang kaligtasan habang buong pusong ginagampanan ang kanilang tungkulin.