‘BEST OFWs’, PINARANGALAN

Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga overseas Filipino workers (OFWs) para sa kanilang huwarang kontribusyon sa pambansang kaunlaran.

Pinuri rin ng Pangulo ang mga OFW sa paglalagay ng Pilipinas sa radar para sa grupo ng mga mahuhusay at bihasang manggagawa.

Sinabi nito sa ginanap na Pamaskong Handog Para sa Overseas Filipino Worker Family sa Malacañang, na ang katapangan ng mga OFW ay inspirasyon para sa iba pang mga Pilipino, kaya ang kanilang dedikasyon upang maiangat ang kalagayan ng kanilang mga pamilya ay nararapat na kilalanin.

Kabilang sa mga nakatanggap ng certificate of recognition sa ilalim ng ‘We Give the World our Best Campaign’ ay sina Christopher Montero, engineer sa Dubai; Johnna Moncal, Household Service Worker sa Hong Kong; Jasmin Labarda, Kapitan ng Barko / Seafarer; at Charm Espinoza, caregiver sa United Kingdom.

Ibinahagi sa kaganapan ang PhP10,000 na cash assistance sa pamamagitan ng Livelihood Program para sa OFW, at mga grocery packs sa 500 benepisyaryo na ibinigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Limang benepisyaryo din ang nakatanggap ng Notice of Award (NOA) para sa mga housing unit sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program.