BICOL REGION, SINALANTA NI BAGYONG KRISTINE; LIBO-LIBONG KATAO, APEKTADO
Lubog sa baha ang maraming lugar sa Bicol Region sanhi ng malalakas na bagsak ng ulan dahil sa Bagyong Kristine kung saan libo-libong katao ang naapektuhan lalo na sa mga lalawigan ng Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte at ilang bahagi ng Masbate.
Base sa ulat ng Office of Civil Defense V, umabot na sa 195 pamilya o 740 katao ang inilikas at dinala sa mga ligtas na lugar. Dahil dito ay kinansela na rin ng bawat gobernador ng Camarines Sur, Catanduanes, Camarines Norte at ilang lugar sa Masbate at Sorsogon ang klase at trabaho sa mga pribado at pang-gobyernong ahensiya.
Sa Albay, sa kahilingan ni Acting Governor Glenda Ong Bongao ay idineklara ang state of calamity sa buong lalawigan noong October 22, 2024 upang agad na magamit ng local na pamahalaan ang kani-kanilang calamity fund sa pagtugon sa pangangailangan ng inilikas na mga residente.
Maraming lugar sa lalawigan ang binaha at nagkaroon ng landslide dahilan para maapektuhan ang mga pananim, kabuhayan at imprastruktura gaya sa Brgy. Pantao ng Libon na umabot hanggang leeg ang baha habang sa Brgy. Nagas ng Tiwi ay inilikas ang mga residente dahil sa biglang pagtaas ng tubig na umapaw sa malaking ilog.
Nagkaroon din ng landslide sa Brgy. Sugcad at natabunan ang kalsada. Ilang bahay din ang nasira dahil sa pagguho ng lupa.
Sa tala ng OCD-V, umabot sa 2,450 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon. Pinakamarami sa Matnog Port na umabot sa 1,143; Tabaco Port na may 752 at Pio Duran Port na may 272. Nasa 150 na trucks at 5 bus ang nakapila sa mga highways habang 25 barko ang hindi nakapaglayag dahil sa sama ng panahon.
Samantala, inaasahang maaapektuhan ang hanggang sa 560,912 na ektarya ng mga palayan sa pananalasa ng Bagyong Kristine ayon sa Philippine Rice Information System.
Sa naunang ulat ng PriSM, umaabot lamang sa 140,000 ektarya ng mga bukirin ang maaapektuhan ngunit dahil sa patuloy na bugso ng ulan ay maaari pang tumaas ang bilang ng mga inaasahang biktima ng bagyo.
Bago pa man pumasok ang bagyo sa teritoryo ng Pilipinas, nakapag-ani na ang mga magsasaka ng mahigit 726,000 ektarya ng mga palayan.

