Idinaos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang “Himig ng Pasko: Diwa ng Novo Ecijano” Christmas Choral Competition bilang bahagi ng selebrasyon ng Kapaskuhan.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Mara Corteza San Pedro, layunin ng kompetisyon na itaguyod ang kultura at musika, at maipakita ang talento ng mga Novo Ecijanos.

Pinili aniya ang mga finalists sa pamamagitan ng online audition submissions na sinala ng mga hurado.

Nagwagi bilang grand champion ang Cuyapo National High School Himig Amyanan Chorale, na nakuha rin ang parangal bilang Best Conductor at Best Interpretation para sa contest piece na “Kumukutikutitap.”

First runner-up naman ang Wesleyan University Philippines Chamber Singers, habang second runner-up ang Batitanians Choir of Angels ng Batitang National High School.

Ayon pa kay tourism officer, mahalaga ang ganitong programa sa turismo dahil hindi lamang mga lugar ang ipinapakita, kundi pati ang kakayahan ng mga Novo Ecijano sa larangan ng sining at musika.

Masaya naman ang mga finalists sa naging karanasan. Ayon sa kanila, naging puspusan ang paghahanda mula sa gabi-gabing ensayo hanggang sa pag-iwas sa matatamis at malamig na inumin.

Nagpasalamat din ang mga participants sa Kapitolyo sa pamumuno nina Governor Oyie Umali at Vice Governor Lemon Umali sa patuloy na suporta sa mga programang pangkultura.