BIKE LANE SA NUEVA ECIJA-AURORA ROAD, PROYEKTO NG DOTr AT GOV OYIE; APRUB SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan sa kanilang 20th Regular Session ang kahilingan ni Governor Aurelio “Oyie” Umali na bigyan siya ng pahintulot na lumagda sa isang kasunduan (MOA) kasama ang Department of Transportation (DOTr) para sa paglipat ng pondong nagkakahalaga ng PHP86,199,545 para sa implementasyon ng proyektong “Construction of Bike Lane along Nueva Ecija–Aurora Road”, na bahagi ng DOTr Active Transport Program.

Paliwanag nina Engr. Dayle Cabrera mula sa Provincial Engineering Office na ang bike lane ay may sukat na 1.5 metro ang lapad, gagamitan ng thermoplastic markings at bollards, at itatayo sa kahabaan ng Maharlika Highway mula Barangay Bangad, Cabanatuan City hanggang Salupungan, Laur.

Dagdag pa niya, nakalaan ito para sa mga bisikleta lamang, hindi kasama ang tricycle o motorskilo.

Inilahad nito na ito ay bahagi ng kampanya para sa “bike-to-work” upang maibsan ang trapiko at mapataas ang kaligtasan ng mga siklista.

Iminungkahi ni Vice Governor Anthony Umali, mas mainam kung gagamitin ang mga gilid ng mga kanal at irrigation roads upang mas maging ligtas at malayo sa mga sasakyang mabibigat.

Nais ding masiguro ng Sanggunian na hindi masasayang ang pondo sakaling magkaroon ng conflict sa mga proyekto ng DPWH sa parehong kalsada.

Naglabas din ng pangamba ang ilang board members na baka sirain ng DPWH ang mga bagong bike lane kung sakaling ito ay isasabay o maaapektuhan ng mga proyekto ng ahensya.

Kaugnay nito, iminungkahi ang pagkakaroon ng koordinasyon sa DPWH upang maiwasan ang pag-aksaya ng pondo ng bayan.

Isang malaking hakbang ito sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan para sa ligtas at maayos na espasyo para sa mga gumagamit ng bisikleta sa lalawigan, habang sinisiguro rin na ang bawat pisong ilalaan dito ay hindi masasayang.