BIKTIMA NG SUNOG SA BRGY. DICARMA, NAGPASALAMAT SA KANILANG KALIGTASAN AT SA MGA TULONG NA NATANGGAP

Nakasama ng programang “Count Your Blessings” nina Congresswoman Cherry Umali at Dra. Kit De Guzman ang ilan sa mga biktima ng sunog sa Barangay Dicarma, Cabanatuan City at kanilang ibinahagi ang kanilang karanasan at kung paano gumamit ng mga tao Ang Panginoon upang sila’y matulungan.

Ayon sa isa sa mga naging biktima na si Ailyn Pulvoriza, nasa trabaho siya ng mangyari ang sunog, kaya agad siyang umuwi sa kanilang inuupahan, at umasang mayroon pang masasagip na kagamitan.

Ngunit, sa kasamaang palad ay wala na siyang inabutan, bagama’t nawala ang lahat ng kanilang ari-arian, nagpapasalamat pa rin siya na ligtas ang kanyang pamilya at iba pang mga kasama sa bahay.

Dagdag pa ni Ailyn, matagal na silang naninirahan kasama ang pitong iba pang pamilya sa naturang boarding house, na tinutuluyan nila nang halos isang dekada.

Sinabi umano ng isa sa mga pamangkin ni Ailyn na saksi sa sakuna, posibleng sanhi ng sunog ang naiwang niluluto ng isa sa mga nangungupahan.

Inamin ni Ailyn na nasubok ang kanyang pananampalataya dahil sa nangyari, lalo na’t panahon ng Kapaskuhan.

Gayunpaman, nagpapasalamat siya na walang nasaktan, at nagpaabot din siya ng pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at iba pang organisasyon na tumulong sa kanila sa oras ng pangangailangan.