BIRTH, DEATH CERTIFICATES, MAS BIBILIS NA ANG PAGPROSESO SA ELJ MEMORIAL HOSPITAL

Inaprubahan sa 17th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda, sa ngalan ng Eduardo L. Joson Memorial Hospital (ELJMH), sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang kasunduan ay kaugnay ng instalasyon at paggamit ng Philippine Civil Registry Information System (PhilCRIS).

Layunin ng PhilCRIS na pahintulutan ang ELJMH na direktang mag-encode at mag-imprenta ng mga Civil Registry Records gamit ang 2007 Civil Registry Forms, sa mismong ospital.

Ang hakbang na ito ay inaasahang magpapabilis at magpapadali sa proseso ng paggawa ng mga dokumentong sibil gaya ng birth certificates at death certificates, partikular para sa mga pasyente ng ospital.

Ayon kay Armand Yazon mula sa record section ng ELJMH, dati ay iniipon pa nila ng isang linggo ang mga datos bago dalhin sa lokal na civil registry office.

Dagdag pa niya, simula pa noong 1968 ay typewriter pa rin ang gamit ng ospital sa paggawa ng mga dokumento.

Sa pamamagitan ng PhilCRIS, inaasahang magiging mas episyente at maaasahan ang serbisyo ng ospital, lalo na para sa mga nangangailangan ng agarang pagproseso ng civil registry documents.

Ayon naman kay Board Member Baby Palilio, malaking tulong ang proyektong ito upang masiguro ang agarang pagrerehistro ng mga bagong silang na sanggol at maiwasan ang anumang problema sa hinaharap kaugnay ng kawalan ng birth records.

Ang PhilCRIS ay isang proyekto ng PSA na naglalayong gawing centralized at accessible ang data ng civil registry records sa buong bansa. Isa rin ito sa mga hakbang upang bawasan ang abala ng publiko sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahang mas mapapalapit sa mamamayan ang serbisyo ng pamahalaan, at masisiguro ang maayos, mabilis, at ligtas na pagproseso ng mahahalagang dokumentong sibil.