BOCAUE, BULACAN, INULAN NG YELO
Tila eksena sa ibang bansa ang nasaksihan sa Barangay Taal, Bocaue, Bulacan nang biglang bumagsak ang maliliit na butil ng yelo kasabay ng malakas na ulan noong nakaraang linggo, August 5, 2025.
Ayon sa mga saksi, kakaiba ang tunog ng patak ng ulan kaya nang sumilip sila sa labas, tumambad ang yelong halos kasinlaki ng holen o maliliit na bato.
Dagdag pa ng isang residente, sa lakas ng tama ng hailstorm, ay nabasag ang mga salamin ng bintana sa Taal High School.
Kasunod nito ay naglabas ng pahayag ang Taal High School Administration, at sinabing walang lubhang nasaktan na guro o estudyante sa kabila ng naganap na sakuna.
Tumagal umano ng humigit-kumulang limang minuto ang hailstorm o pag-ulan ng yelo na sinabayan pa ng malakas na hangin at pagkidlat.
Batay sa Thunderstorm Advisory No. 5 na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong August 5, kabilang ang Bocaue sa mga lugar sa Bulacan na nakaranas ‘intense to torrential rain showers with lightning and strong winds.’
Paliwanag ng PAGASA, nangyayari ang hailstorm kapag may malalakas na thunderstorm, at nabubuo ang yelo sa loob ng ulap kapag paulit-ulit na nagsasalpukan ang maliliit na tipak nito hanggang sa bumagsak sa lupa dahil sa bigat.

