BOSES NG KABATAAN, DAPAT UMANONG MANATILI SA KONGRESO PARA SA MAGANDANG KINABUKASAN
Magandang kinabukasan para sa mga kabataan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon, iyan ang gustong ipamana ng Kabataan Partylist kaya naman tumatakbo silang muli para mapanatili ang boses ng kabataan sa loob ng kongreso.
Sa isang ekslusibong panayam, ibinahagi ni Kabataan Partylist 1st nominee, Atty. Renee Co, ang isa sa mga balak nilang ipatupad na batas na nag naglalayong mabigyan ng libreng dormitoryo at transportasyon ang mga kolehiyong estudyante.
Binuo para irepresenta ang mga nasa laylayan tulad ng mga estudyante na hindi gaanong nabibigyan ng pansin, ang Kabataan Partylist ay hindi lamang nakasentro sa edukasyon. Layunin din nilang tutukan ang trabaho, serbisyo, karapatan, at kasarinlan ng mga Pilipino.
Dagdag pa dito, nakalista rin sa kanilang 10-point youth agenda ang pagpokus sa sobrang pabago-bagong klima, pagkamit sa hustisyang panlipunan at pananagutan, pagsugpo sa diskriminasyon batay sa kasarian, at pagbibigay importansya sa kalusugang pisikal at mental.
Ang Kabataan Partylist rin ay isa sa mga nanguna sa pagpapatupad ng libreng internet connection sa mga pampublikong lugar at libreng college entrance exam. Sila rin ang dahilan kung bakit hindi na kailangan ng permit bago mag-exam ang mga estudyante. Sinulong din nila ang unang resolusyon para magkaroon ng libreng edukasyon sa kolehiyo.
Bukod pa dito, sinabi rin ni Atty. Renee Co na marami pa silang gustong ipasa na batas para sa kanilang inirerepresenta.

