BRGY. IMELDA VALLEY SA PALAYAN CITY, MAGIGING PAMBATO NG NUEVA ECIJA SA REGIONAL BEST GULAYAN SA BARANGAY

Sumailalim na sa Regional Validation ang Gulayan sa Barangay ng Imelda Valley sa Lungsod ng Palayan bilang kinatawan ng Nueva Ecija para sa Regional Best Gulayan sa Barangay, na gaganapin sa November 21, 2024.

Ayon kay Regional GSB Focal Person Christine Joy Corpuz ng Department of Agriculture Regional Field Office 3, layunin ng naturang programa na makapagtatag ng gulayan sa kanilang lugar na gagayahin o susundan naman ng sampo hanggang labing lima o higit pang kabahayan sa barangay.

Aniya, nagsimula sa mga Local Government Units noong 2021 sa panahon ng pandemya ang programang ito ng Department of Agriculture at mas pinalawig sa mga barangay, kung saan 130 gulayan ang nabuo sa Central Luzon, habang tatlumpo’t walong gulayan sa barangay naman ang naitatag ngayong taon.

Inihayag naman ni Acting Provincial Agriculturist Dr. Jovit Agliam na sa anim na naging kalahok sa provincial level competition ng GSB, ang gulayan sa Imelda Valley ang pasok at wagi sa mga criteria gaya ng:

  • Dapat ay may 600 square meters na lupain na hindi dapat binabaha
  • Dapat tinutularan o ginagaya ng mga kabarangay (kung anong mga gulay ang nakatanim sa mother gulayan ay dapat ganoon din ang nakatanim sa bakuran ng mga kabarangay)
  • Dapat ay gumagamit lamang ng mga natural at organikong mga pataba at pamatay peste

Sinabi din ni Dr. Agliam na nanguna ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa buong Central Luzon na sumuporta sa naturang programa para sa sustenableng produksyon ng pagkain para sa mga mamamayan.

Bilang suporta sa panimula ng mga barangay sa pagtatanim ng mga gulay ay nagkaloob din ang kagawaran ng mga libreng binhi, buto, garden tools, organic fertilizers at iba pang farm inputs sa mga kalahok.

Nagpahayag naman ng kagalakan si Kapitana Josephine Del Rosario dahil sa kanilang pagkakapanalo sa provincial level at pagkakatao ng katawanin ang lalawigan ng Nueva Ecija para sa Regional Level, na kahit

first time nilang sumali sa naturang programa ay napatunayan aniya nilang sa pagtutulungan ng lahat ng sektor ng kanilang barangay, bayan at probinsya ay mapagtatagumpayan nila ang kanilang mithiin.

Sa pamamagitan aniya ng Gulayan sa Barangay ay magkakaroon palagi ng libreng gulay para sa mga mamamayan, kaya sana aniya ay mas mapalawak pa ito sa buong probinsya para kung anuman ang maaari ng makuha mula dito ay hindi na kailangan pang bilhin sa mga pamilihan.

Ang mananalo sa Top 1 Regional Best Gulayan sa Barangay ay mag-uuwi ng Php380,000; ang Top 2 ay makakakuha ng Php200,000; at ang Top 3 naman ay tatanggap Php100,000.