COMELEC: BARANGAY, SK OFFICIALS, PWEDE NANG MANGAMPANYA PARA SA NLE 2025, PERO BAWAL GAMITIN ANG PONDO NG GOBYERNO

Pinapayagan na ng Commission on Elections ang mga opisyal ng barangay at sangguniang kabataan na lumahok sa kampanya para sa kanilang mga kandidato sa National and Local Elections 2025.

Base sa Comelec Minute Resolution 24-1001, hindi sakop ng pagbabawal sa partisan political activities ang mga barangay at SK officials ayon sa desisyon ng Korte Suprema.

Kaugnay nito, binigyang-diin na kahit pinayagan na sila ng komisyon ay dapat pa rin nilang sundin ang mga campaign rules at guidelines na itinakda.

Ang paghingi ng kontribusyon mula sa kanilang mga nasasakupan o paggamit ng pondo ng gobyerno ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Nilinaw din ni Comelec chairperson George Garcia na hindi dapat inaangkin ang mga pasilidad ng barangay gaya ng plaza, covered court, at iba pang puwedeng pagdausan ng mga campaign rally. Posible aniyang mareklamo sa Department of the Interior and Local Government ang mga lalabag dito.

Nagsimula ang kampanya para sa national positions noong February 11, 2025 habang ang lokal na posisyon ay sisimulan sa March 28, 2025. Ang pagtatapos ng kampanyahan ay nakatakdang matapos sa May 10, 2025.