BRIDE, IBINUKING NG KANYANG MGA PINSAN SA PAMAMAGITAN NG ISANG KANTA; ANG VIDEO, UMABOT NA NG 12.2M VIEWS SA TIKTOK

Pumalo na sa 12.2 million views ang video na pinost ni dazzdea sa tiktok kung saan naghandog ng sariling compose ng lyrics gamit ang tono ng tugtuging “Material Girl” ang tatlong magkakapatid mula sa Cabanatuan City para sa kasal ng kanilang pinsan na si Kathleen.

Sa lyrics ay inihayag ng Garcia sisters na bilang bunso ay lumaki at itinuturing na prinsesa ng kanilang pamilya ang kanilang ate Kathleen, na kahit lapitin at ligawin ng mga kalalakihan ay matiyagang hinintay si Mr. Right.

Mula sa pamumuhay sa isang “material world”, ngayon ay mamumuhay na ito sa isang married world.

Request daw ng ate Kathleen nila na magcompose silang tatlo ng isang kanta na naglalarawan sa kanya.

Tinupad naman ito ng magkakapatid kaya nabuking ang ilang mga katangian nito bilang isang pinsan, tulad ng pagpapaiyak sa kanilang magpipinsan dahil sa pang-aasar nito sa kanila.

Kaya naman kapag nagkaanak na daw ito ay ganoon din ang gagawin nila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga nakakatawang mga pangalan o palayaw tulad ng Puklo at Bireng.

Nagbigay naman ng aliw ang performance na ito ng tres marias na sina Andrea, Lorryne at Chazity, kay Kathleen at sa kanyang groom na si Juno Oriño, maging sa kanilang mga bisita.

Hindi rin daw nila inaasahang ang masayang wedding gift nila para sa kanilang ate Kathleen ay magva-viral na umabot na rin sa 1.5 million reactions.