BUHAY NG MGA MAGSASAKA, BINIGYANG KULAY SA MGA OBRA MAESTRA SA MUSEO NG KULTURA NG PAGSISIBUYAS SA BONGABON

Binigyang kulay at itinampok sa mga obra maestra ng iba’t ibang alagad ng sining sa Nueva Ecija at Manila ang masigasig na buhay ng mga magsasaka, partikular na ang mga magsisibuyas, sa Museo ng Kultura ng Pagsisibuyas o Sibuyas Museum na matatagpuan sa Giron Botanic, Bongabon, Nueva Ecija.

Ayon kay Armando Giron, tagapagtatag ng Sibuyas Festival at ng Sibuyas Museum, nabuo ang naturang museo dahil sa kanilang pagmamahal ng kanyang anak na si Marcella Gabrielle Giron sa sining at kultura. Pinagsama nila ito upang buhayin at ipakita ang makulay na kasaysayan at patuloy na paglago ng industriya ng pagsisibuyas sa pamamagitan ng mga likhang sining.

Makikita sa museo ang iba’t ibang likhang sining na naglalarawan ng pang-araw-araw na buhay ng mga magsasaka mula sa preparasyon ng lupa, sa pagtatanim, pag-aalaga ng mga pananim, at pag-aani, kung saan sumasalamin ang mga obrang ito sa kanilang pagsisikap at tiyaga sa pagbibigay ng pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino.

Binanggit din ni Giron ang malaking papel ng museo sa pagpapalakas ng turismo sa Nueva Ecija, partikular sa bayan ng Bongabon, dahil sa patuloy na pagdating ng mga bisita na nais masaksihan ang yaman ng kultura ng pagsisibuyas at ang galing ng mga lokal na alagad ng sining.

Dagdag niya, kasama sa pagpupugay ng museo ang mga magsisibuyas mula sa Talavera, Science City of Muñoz, San Jose City, Rizal, Gabaldon, at Laur. Aniya, ang pagsisibuyas ay hindi lamang isang hanapbuhay kundi isang buhay na kulturang minamahal ng bawat Novo Ecijano.

Kamakailan, personal na binisita ni Acting Provincial Tourism Jan Mara Stefan San Pedro ang museo bilang bahagi ng selebrasyon ng National Arts Month, upang masaksihan ang patuloy na pagsulong ng kultura ng pagsisibuyas at pinuri ang makulay na interpretasyon nito sa pamamagitan ng sining, sa tulong ng mga mahuhusay na pintor ng lalawigan.

Ang museo ay itinayo bilang isang pagpupugay sa masisipag na magsasaka ng Bongabon, pati na rin ang kanilang mga pamilya at sa mga buhay na hinubog ng industriya ng sibuyas na isang matatag na haligi ng pamana at kabuhayan ng bayan. Iniaalay rin ito bilang isang mapagmahal na paggunita kina Faustino Giron Sr. at Eufrocina Cunanan Giron.

Pinangunahan ang inagurasyon ng museo noong April 9, 2019, at kalaunan ay kinilala ito ng Sangguniang Bayan ng Bongabon noong August 19, 2019 sa pamamagitan ng isang resolusyon na nagtatakda rito bilang isang lokal, pribadong pag-aari ngunit bukas sa publiko na museo sa naturang bayan.

Bukas sa publiko ang museo by appointment mula Lunes hanggang Sabado ng alas nueve ng umaga hanggang alas singko ng hapon at para sa karagdagang impormasyon at iskedyul ng pagbisita, maaaring makipag-ugnayan sa 0923-736-5143.