BULACAN, MAY PINAKA-MALAKING PONDO PARA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SA CENTRAL LUZON

Nag-utos ang Commission on Audit (COA) ng fraud audit o special investigation sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan matapos ang reklamo ng mga residente at personal na inspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa naging pagbisita ng Pangulo ay nakita niya ang hindi maayos na pagkakagawa ng dike sa Barangay Bulusan, Calumpit, Bulacan na nagkakahalaga ng P96.4 million.

Ayon kay Pangulong Marcos, hindi tama ang mga materyales na ginamit at may mga bahagi ng dike na hindi tinapos.

Bukod sa Barangay Bulusan, ininspeksyon din ng Pangulo ang flood mitigation structure sa Barangay Frances, Calumpit, at natuklasan din na manipis at porous ang semento at walang isinagawang dredging at desiltation kahit nakasaad sa project report na nagsagawa ng ganitong proseso.

Ayon sa COA, sa kabuuang P548 billion na flood control projects sa buong bansa, Central Luzon ang nakatanggap ng pinakamataas na pondo na P98 billion, at sa buong rehiyon, Bulacan ang may pinakamalaking fund-allocation na P44 billion.

Dahil dito, hiniling ni Marcos ang paliwanag ng St. Timothy Construction Corp., ang contractor ng proyekto sa Bulusan, at iginiit na dapat managot hindi lang ang mga contractor kundi pati mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa palpak na proyekto.

Samantala sa naganap na Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, August 19, 2025, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na dumaan sa masusing proseso ang mga palpak na proyektong ibinulgar ni Pangulong Marcos.

Kasunod nito, kinumpirma rin ni DPWH Secretary na mayroong “ghost” flood control projects o ‘non-existent’ projects sa Calumpit, Malolos, at Hagonoy, Bulacan.

Ayon kay Bonoan, ang Wawao Builders ang contractor sa likod ng mga ito, na humawak ng 85 projects sa Bulacan mula noong 2022 hanggang 2025 na nagkakahalaga ng P5.9 billion.

Sa kasalukuyan, ay patuloy pa rin umano ang imbestigasyon ng DPWH tungkol dito.