Tumaas ang kilay ng ibang netizen dahil sa viral video ng isang lamay sa Manila na nagmistulang “mini concert” ng mga artists at performers.
Tipikal sa mga lamay ang pormal o tahimik, kaya naman ilan sa mga netizen ang nagsabing hindi daw ito pagrespeto sa namatay.
Ngunit depensa ng pamilya ng yumaong rapper na si Aldew Christian Moncada o Scape Doz, ito daw ang kanyang hiling na gawing masaya ang kanyang lamay.
Sinabi sa isang panayam ng pinsan nitong si Franz Angelo Dizon, wala silang nakikitang masama sa nangyari sa burol dahil tinupad lang nila ang hiling nito.
Aniya, ito ay selebrasyon ng naging buhay ni Moncada dito sa lupa, kaya naman umarkila sila ng sound system at nag-imbita ng mga performer.
Magkakaiba din aniya ang pagluluksa ng mga tao sa namayapang mahal sa buhay kaya respetuhin na lamang daw ng iba ang paraan nila ng pagluluksa.
Sa post ni Dizon ay sinabi pa niyang Hip-Hop o Rapper ang kanyang pinsang namayapa at ito ang kanyang ikasasaya, kaya naman nagpasalamat ito sa mga nagtanghal dahil kahit paano ay naibsan ang lungkot na kanilang nararamdaman.

