Babala! Sensitibong Balita: Buy-bust operation
Timbog ang isang High-Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation sa isang barangay sa Talavera, Nueva Ecija.
Ayon sa ulat ng kapulisan, bandang 1:10 ng madaling-araw noong December 31, 2025 ikinasa ng pinagsanib puwersa ng Special Drug Enforcement Team ng Talavera Police, at mga yunit ng NEPPO ang operasyon kasunod ng masusing intelligence validation.
Hinuli ang suspek matapos umanong magbenta ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer.
Batay pa rin sa ulat, narekober mula sa suspek ang buy-bust money at ilang karagdagang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa 70 gramo ang kabuuang timbang na may halagang humigit-kumulang ₱476,000.
Alinsunod sa batas ay ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkaka-aresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal. Sa presensya ng mga saksi ay isinagawa rin ang on-site marking at inventory ng mga ebidensiya.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya sa Talavera Police Station para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso kaugnay ng ilegal na droga.


