CABANATUAN CITY, GENERAL TINIO, SAN ANTONIO, MGA KAMPEON SA KAUNA-UNAHANG INTERTOWN PROVINCIAL CUP
Matagumpay ang naging pagtatapos ng Nueva Ecija Intertown 1st Provincial Cup – Volleyball and Basketball, kung saan ipinamalas ng mga kabataang Novo Ecijano ang kanilang galing, teamwork, at disiplina sa larangan ng sports.
Sa mainit na laban ng basketball, Cabanatuan City D1 ang tinanghal na kampeon matapos talunin ang Cabiao, sa score na 86–79.
Ayon sa isa sa mga coach ng Cabanatuan City D1 na si Coach Jeremy Ingusan, malaking oportunidad ang hatid ng programang ito ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga kabataang Novo Ecijano upang maipamalas at mapaunlad ang kanilang galing sa sports.
Hindi rin nagpahuli ang volleyball team’s ng lalawigan.
Sa Women’s Division, wagi ang San Antonio matapos daigin ang San Jose City sa straight sets.
Habang sa Men’s Division, General Tinio naman ang nanguna matapos talunin ang San Antonio sa dalawang sunod na set.
Bukod sa championship game, naging highlight din ang halftime show prize giveaway kung saan maswerteng nag-uwi ng brand-new TVS Neo NX110 motorcycle si Johnbert Francisco mula sa bayan ng San Antonio.
Nagsimula ang Nueva Ecija Intertown 1st Provincial Cup – Volleyball and Basketball noong August 30, 2025, sa pangunguna nina Gov. Oyie Umali, Vice Gov. Lemon Umali, at SK Federation President at Board Member Armella Cruz, bilang bahagi ng kanilang layuning suportahan at palakasin ang mga kabataang Novo Ecijano sa larangan ng sports.

