CADENA ACT LABAN SA KORAPSYON, TINALAKAY SA SENADO
Tinalakay sa public hearing ng Senado ang Senate Bill 1330 o CADENA Act (Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability Act). Layunin nitong gawing mas bukas at mas transparent ang lahat ng transaksyon ng gobyerno.
Ang panukalang ito na inihain ni Sen. Bam Aquino ay nagtatakda ng paggamit ng isang secured at digital public ledger system gamit ang blockchain o katulad na teknolohiyang hindi madaling manipulahin.
Nagsisilbi aniya itong malinaw na solusyon laban sa korapsyon dahil binibigyan nito ng kapangyarihan ang publiko na masuri ang government expenditures o paggastos ng gobyerno sa buwis ng taumbayan.
Malaking pagbabago ang ipinasok sa panukalang batas matapos ang huling pagdinig upang maisama ang mga rekomendasyon ng mga eksperto, lalo na sa usapin ng pagpili ng angkop na teknolohiya.
Giit ng senador, nananatiling pangunahing layunin ng panukala ang pagpapalakas ng transparency at accountability sa paggamit ng national budget.
Sa ilalim ng batas, titiyakin ng blockchain technology na ang datos ay secure, verifiable, at immutable.
Patuloy pa ring dinidinig ng komite ang panukala at patuloy itong nakatatanggap ng suporta mula sa mga kapwa senador at sa publiko.

