CANDABA 3RD VIADUCT NG NLEX SA BULACAN, MAGPAPASIGLA UMANO NG PAG-UNLAD NG CENTRAL LUZON
Magpapasigla umano sa pag-unlad ng Central Luzon ang pagbubukas ng P7.8-billion na North Luzon Expressway Candaba 3rd Viaduct sa Pulilan, Bulacan noong December 10, 2024.
Sa talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sinabi nito na sa pamamagitan ng pinahusay na koneksyon ng mga kalsada, magkakaroon ng mga pagkakataon sa negosyo at aktibidad sa turismo.
Dahil dito ay maaari na umanong pangunahan ng bansa ang paglago ng ekonomiya, palawakin ang mga pagkakataon para sa kalakalan at turismo, at isulong ang pag-unlad ng rehiyon.
Dinisenyo aniya ang Candaba 3rd Viaduct gamit ang pinakabagong innovation sa engineering upang mapaglabanan ang mga hamon ng kalikasan, at inaasahang mapakikinabangan ito ng mamamayan sa loob ng maraming dekada.
Kaya pinuri ng Pangulo ang NLEX Corp. at ng Metro Pacific Tollways Corp., at inihayag na ang kanilang trabaho ay sumasalamin sa uri ng bansang hinahangad niyang maging— consistent, synergistic, and forward-looking.
Dagdag ni Marcos na katunayan ang istraktura ng dedikasyon ng gobyerno sa kaligtasan, tibay, at pag-unlad.
Ang Candaba Viaduct ay proyektong sinimulan umano ng yumaong si Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. na nagdurugtong sa pagitan ng North Luzon at Metro Manila.
Mula nang buksan ito noong 1977, ang limang kilometrong tulay ay naging kritikal na link, na nag-uugnay sa mga bayan ng Pulilan, Bulacan at Apalit, Pampanga. Mula sa dalawang-lane na disenyo, pinalawak ito sa tatlong lane noong 2017.
Ang NLEX Candaba 3rd Viaduct, na sinimulan ang pagtatayo noong nakaraang taon, ay limang kilometrong imprastraktura na itinayo sa pagitan ng dalawang umiiral na tulay na nag-uugnay sa Pulilan at Apalit.

