CASH ASSISTANCE, IPINAMAHAGI SA MGA SENIOR CITIZENS SA BAYAN NG GUIMBA

Bumisita si Senadora Imee Marcos sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija kung saan namahagi ng cash assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Republic Act 11982 o Expanded Centenarians Act of 2024.

Sa ilalim ng batas na ito, hindi na kailangang maghintay hanggang 100 taon ang mga senior citizens upang makatanggap ng mga benepisyo.

Simula kasi sa edad na 80, makakatanggap na sila ng karagdagang cash gift na P10,000 kada limang taon.

Ayon sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), inaasahan ng gobyerno na makapagbigay ng higit P2.9 bilyon sa 275,000 na senior citizen sa buong bansa ngayong taon.

Bukod pa rito, kapag sila’y umabot ng 100 taon, isang beses silang makakatanggap ng cash gift na P100,000.

Binigyang-diin din ni Senadora Marcos ang kanyang pagsusulong ng isang batas na magbibigay ng libreng libing sa mga kwalipikadong mahihirap upang hindi na nila alalahanin ang gastos sa libing habang nagluluksa.

Binanggit din ng Senadora, na patuloy pa rin ang social pension program na nagbibigay ng P1,000 buwanang ayuda sa mga senior citizens, na inumpisahan noong 2024 at kasalukuyan pa ring ipinatutupad.

Kasama ng ibang Senador, nakikipag-ugnayan umano sila sa Department of Budget and Management upang mapalawig ang programa at maisama ang iba pang sektor tulad ng mga Persons with Disabilities (PWD), solo parents, magsasaka, mangingisda, at iba pang mga nangangailangan.

Ayon sa mga benepisyaryo, malaking tulong ang natanggap nilang ayuda lalo na ngayong panahon ng gawat, dahil magagamit nila ito bilang pambili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot.