CENTRAL LUZON, MAGIGING SENTRO NG HYDROGEN EXPLORATION

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang walong bagong Petroleum Service Contracts (PSC) para sa iba’t-ibang lugar sa bansa, kabilang ang Central Luzon na nakatakdang pagdausan ng hydrogen exploration project.

Sa ginanap na presentation sa Malacañang, sinabi ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na ang pagpirma ng mga bagong PSC ay patunay ng determinasyon ng administrasyon na palakasin ang lokal na produksyon ng enerhiya.

Kasama ni Pangulong Marcos sa nasabing presentasyon ang mga local at international partners mula Australia, United Kingdom, Singapore, Israel, at Estados Unidos.

Ayon sa DOE, may kabuuang halagang USD 207 million o halos P12 billion ang inaasahang papasok na investment sa loob ng pitong taong eksplorasyon.

Sa Palawan at Sulu Sea, magkakaroon ng offshore oil at gas exploration na maaaring maging bagong local fuel source para sa kuryente at transportasyon.

Sa Central Luzon naman, isasagawa ang hydrogen exploration o ang isang hakbang tungo sa mas malinis at zero-carbon energy.

Habang sa Cagayan at Cebu, nakatakdang ipatupad ang onshore gas projects na magpapatatag sa energy supply sa mga rehiyon.

Ang mga kontratang ito ay layunin umanong palawakin ang oil, gas, at hydrogen exploration sa bansa, na makalilikha rin ng mga bagong trabaho para sa mga Pilipino.

Dagdag pa ng Pangulo, kapag kaya nating gumawa ng sarili nating enerhiya, hindi na kailangang umasa sa pabago-bagong presyo ng imported oil.