Hindi naging hadlang ang kahirapan sa buhay para maabot ni Jelysa del Rosario ng Jaen, Nueva Ecija ang pangarap na maging Certified Public Accountant.
Bagkus ay ginamit niya ito upang magsikap para makatulong at naging inspirasyon pa.
Kwento ni Jelysa na panganay sa kanilang tatlong magkakapatid na iginapang ng kanyang magulang ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng pagsasaka.
Subalit sa isang malungkot na pagsubok naibenta ang kanilang bukid na sinasaka kaya namasukan na lamang ang kanyang tatay bilang care taker.
Dahil sa taglay na talino ni Jelaysa ay nagtapos itong Valedictorian ng High School, kaya naging scholar ng Kapitolyo sa kursong Bachelor of Science in Accountancy sa Eduardo L. Joson Memorial College sa Palayan City.
Sa loob ng 5 taong pagiging scholar, napakalaking tulong aniya sa kanya ang libreng tuition, libreng dormitoryo at educational allowance na panggastos sa mga kailangan sa school.
Dagdag nito, hindi na siya nahirapan sa kanyang pag-aaral dahil hindi na niya kailangang gumising ng maaga at bumiyahe mula Jaen hanggang school, nakakapag focus aniya siya sa kanyang mga aralin, dahil katabi lang ng dorm ang kanilang pinapasukan.
Kaya pasasalamat ang kanyang ipinaabot sa pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali.

