CHALK ALLOWANCE NG MGA GURO, MAGIGING P10K NA AYON KAY SEN. BONG REVILLA JR.

Nakiisa si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa San Antonio, Nueva Ecija sa pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kasama ni Sen. Revilla si Mayor Arvin Salonga ng San Antonio sa pag-aabot ng tig-P2,000 na tulong pinansyal para sa dalawang libong benepisyaryo.

Sa panayam sa Senador ay binanggit nito ang karagdagang tulong na matatanggap ng mga guro para sa ‘chalk allowance’ na mula sa P5,000 ay magiging P10,000 na sa susunod na taon.

Binanggit rin niya ang mahalagang papel sa pagpasa ng batas na nagbabawal sa ‘No Permit, No Exam Policy,’ upang matulungan ang mga estudyanteng nahihirapan sa pagbabayad ng tuition bago ang examination.

Dagdag pa ni Revilla, ang mga senior citizen na nasa edad 80, 85, 90, at 95 ay makakatanggap din ng P10,000 cash assistance sa susunod na taon.

Plano rin aniyang isulong ang pagbaba ng edad ng pagiging senior citizen mula 60 pababa sa 56-years-old, na tinatawag niyang ‘junior senior citizen,’ na may karapatang makatanggap ng 10% discount.

Ayon pa sa Senador, bilang chairman ng Committee on Public Works, patuloy nilang pinag-aaralan, inaaksyunan at hinahanapan ng solusyon ang problema ng pagbaha sa buong bansa.