BABALA! SENSITIBONG BALITA:

CHECKPOINTS SA NUEVA ECIJA, DINAGDAGAN; MAY SPECIAL FOCUS SA DISTRICT 4 KASUNOD NG SAGUTAN NINA MAYOR ELAN AT CONG. EMENG

Pinalakas ng Nueva Ecija Police Provincial Office ang anti-criminality campaign sa lalawigan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga checkpoints at pagtatalaga ng isandaang mga pulis sa bayan ng San Leonardo at Gapan City.

Ayon kay PCOL Ferdinand Germino, Provincial Director ng NEPPO, top priority ng kapulisan ang ikaapat na distrito ng Nueva Ecija upang mapangalagaan ang mga mamamayan lalo na ngayong nalalapit na ang National and Local Elections 2025 alinsunod sa direktiba ni PBGEN Redrico A. Maranan, Police Regional Director.

Una rito, nagsagawa ng magkahiwalay na dialogue si Police Provincial Director Germino kina Congressman Emerson “Emeng” D. Pascual ng 4th District, Mayor Froilan “Elan” Nagaño ng San Leonardo at kabiyak nitong si former Congresswoman Dra. Maricel Natividad-Nagaño.

Kasunod ito ng mainit na sagutan sa social media nina Congressman Emeng Pascual at Mayor Elan Nagaño tungkol sa pagpapatigil ni Mayor Nagaño sa mga obrero na nag-aaspalto sa Maharlika Highway, Brgy. Castellano, San Leonardo dahil sa umano’y paglabag ng kontratista ng proyekto sa mga requirement na itinatakda ng DPWH Order No. 117, at LGU Citizen’s Charter.

Sina Cong. Emeng at Dra. Maricel Nagaño ay magkalabang muli ngayong eleksyon sa pagka-kongresista sa ikaapat na distrito.