CHICKEN PASTIL NA MAY MUSHROOM, PATOK NA NEGOSYO NG ISANG GINANG

Isa si Ginang Virgil M. Escario na residente sa Brgy. Militar, Palayan City, N.E sa mapalad na nakatanggap ng libreng pangkabuhayan mula sa “mushroom project” ng pamahalaang panlalawigan.

Dati umanong nagtatrabaho sa abroad si Ginang Virgil bilang isang Overseas Filipino Workers (OFW) ngunit nagkaroon siya ng sakit kaya nag desisyon ito na umuwi at manatili na lamang dito sa Pilipinas.

Dahil walang trabaho, sumulat si Ginang Virgil kay Governor Aurelio Matias Umali at humiling na sana ay mabiyayaan siya ng pangkabuhayan at siya nga ay isa sa nakatanggap ng 50 fruiting bags ng mushroom.
Umaga at hapon umano ang pagdidilig dito at dapat nakapuwesto sa hindi direktang tinatamaan ng araw. Pagkaraan ng 25 days nap ag-aalaga ay tumubo na ang mga kabute.

Dahil araw-araw siyang umaani ay naisipan niyang magluto ng chicken pastil at hinaluan ito ng mushroom.

Nagustuhan ito ng kaniyang mga anak kaya’t sinubukan niyang itinda ito sa kaniyang mga ka-barangay. Nagtuloy-tuloy ang pag order at pagbili sa kaniya nito kaya ginawa na niyang negosyo.

Dahil sa kinikita sa chicken pastil with mushroom, mas maginhawa na umano ang kanilang pamumuhay dahil kahit papaano ay mayroon na silang pinagkukunan para sa kanilang pang araw-araw na gastusin.