Nagpaalala ang Department of Labor and Employment o DOLE sa mga kumpanya na hindi puwedeng pilitin ang mga empleyado na sumali sa sayaw o anumang aktibidad sa Christmas party kung ayaw nila o labag ito sa kanilang paniniwala.

Sinabi ng DOLE, malinaw sa Labor Code na ang isang empleyado ay hindi maaaring obligahin sa mga gawain na wala sa kanyang trabaho o job description. Kapag may pamimilit o banta ng parusa, maaaring magsampa ng reklamo ang empleyado sa National Labor Relations Commission (NLRC).

Nilinaw rin ng ahensya na maaari ring magreklamo ang empleyado kahit walang direktang parusa, kung siya ay ginipit, inasar, o ginawang hindi komportable sa trabaho, dahil maaari itong maituring na constructive dismissal, o ilegal na pagtanggal sa trabaho. Posible rin itong masaklaw ng Safe Spaces Act kung may kasamang panliligalig o diskriminasyon.

Kasunod ng paalala ng DOLE, nagpahayag ang ilang Novo Ecijano ng kanilang saloobin tungkol sa isyu.

Ayon sa isang manggagawa, mas maigi pa rin ang boluntaryong pagsali sa mga aktibidad.

Para naman kay SG Ronald Ramos, mahalagang igalang ang desisyon ng bawat empleyado.

Samantala, ayon kay Christina, hindi pare-pareho ang nararamdaman ng lahat pagdating sa pagsali sa Christmas party activities.

Paalala ng DOLE, tanging ang mga seryosong paglabag tulad ng matinding kapabayaan, maling asal, pandaraya, o krimeng may kaugnayan sa trabaho ang maaaring maging dahilan ng parusa sa isang empleyado. Hindi kabilang dito ang pagtanggi sa pagsali sa sayaw o Christmas party.