CIVIC, CIVIL SOCIETY ORGANIZATIONS, SUPORTADO ANG PAGHAHANAP NG HUSTISYA PARA SA MGA NABIKTIMA NG EJK
Umani ng suporta ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa iba’t ibang civic at civil society organizations dahil sa pagtugon ng pamahalaan sa Interpol upang mabigyan umano ng hustisya ang mga pamilyang nabiktima ng extrajudicial killings.
Isa na ang Commission on Human Rights o CHR na kinilala ang inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court o ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa krimen laban sa sangkatauhan o “crime against humanity” na nangyari umano sa ilalim ng kampanyang ‘war on drugs’ ng kaniyang administrasyon ayon sa ulat ng International Criminal Police Organization o INTERPOL.
Alinsunod sa kanilang mandato sa ilalim ng Konstitusyon, nagdeploy ang CHR ng kanilang mga imbestigador para i-monitor at i-assess ang mga kaganapan sa kaso ng dating president kasunod ng pagkakaaresto noong March 11, 2025.
Binigyang diin din ng CHR na mahalagang pundasyon ng hustisya ang “due process” isang haligi na hindi lamang nagtatanggol sa karapatan ng akusado, kundi upang matiyak na maririnig din ang boses ng mga biktima.
Kahit na kumalas na ang Pilipinas sa ICC, iginiit ng CHR na may kasalukuyang legal obligations pa rin ang Pilipinas sa Interpol. Idiniin din ng CHR na dapat panagutin ang iba pang sangkot sa mga paglabag kung mapapatunayang sila ay nagkasala.
Ang CHR bilang independiyenteng pambansang institusyon ng karapatang pantao ng bansa ay nananatiling nakabatay sa kanyang Konstitusyon na tungkulin na subaybayan ang mga paglabag sa karapatang pantao, pati na rin ang palakasin ang panawagan para sa pananagutan ng lahat ng mga salarin.

