Nilibot ng TV48 ang CLLEX Phase 1 sa bayan ng Aliaga nitong nakaraang linggo upang alamin kung binuksan na ba ito?

Matatandaan na sinabi ni Project Director Benjamin Bautista ng DPWH-UPMO na tatapusin nila noong nakaraang taon ang problema sa packages 3 and 4 ng CLLEX para magamit na ito pagpasok ng bagong taong 2024.

Ngunit sa pag-iikot ng aming team sa Umangan ay nandoon pa rin ang barikada ng mga lot owners na hindi pa nababayaran sa right of way, at sarado pa rin ang San Juan at San Eustacio Exits.

Base sa sagot ni Director Bautista sa ating sulat, inihayag nitong nag-request na ang contractor ng CLLEX phase 1 ng self-termination sanhi ng problema sa right of way, at pagkalugi dahil kailangan na raw i-update ang budget ng proyekto na taong 2015 pa na-estimate ang halaga.

Pero sa Contract Agreement sa pagitan ng DPWH-UPMO at Qingdao Municipal Construction Group Company, kapag tumanggi o nabigo ang contractor na makumpleto ang proyekto batay sa itinakdang panahon sa kasunduan ay magbabayad sila ng damages sa gobyerno.

Kung tinalikuran na nga ng Qingdao Company ang obligasyon nito bilang contractor ng CLLEX phase 1 ay magkakaroon ng breach of contract na dapat nitong panagutan sa ating batas.

Kinumpirma rin ng DPWH-UPMO na meron na silang pag-uusap ng Pamahalaang Panglunsod ng Cabanatuan tungkol sa planong paglilihis ng original exit ng proyekto sa Maharlika Highway papunta sa Emilio Vergara Highway Phase IV.

Kapag itinuloy ang proposed reconfiguration na ito na hindi sinusunod ang tamang proseso ay maaaring kasuhan ng graft and corruption ang mga personalidad na involved, dahil ito ay malinaw na paglabag sa nakasaad sa contract agreement at probisyon ng batas ukol sa kontrata.