CLSU, INILUNSAD ANG KAUNA-UNAHANG EXCHANGE PROGRAM NG MGA ESTUDYANTE
Isinulat ang isang makasaysayang kabanata para sa Central Luzon State University matapos nitong opisyal na ilunsad ang kauna-unahang student exchange program sa pagpapadala ng apat na estudyante sa Universitas Semarang, Indonesia. Pinangungunahan ang programa ng CLSU International Affairs Office (IAO), na layuning palawakin ang pandaigdigang koneksyon at oportunidad para sa mga mag-aaral ng unibersidad.
Kabilang sa unang pangkat ng mga delegado ay sina Ferdinne Julia Cucio, Lorraine Fabros, Jose Emmanuel Mico, at Nathaniel Piedad mula sa Bachelor of Arts in Literature program ng College of Arts and Social Science.
Matagal nang pinaplano ang exchange program, simula pa noong 2024 sa pangunguna ni Dr. Emil F. Ubaldo, Chief ng Mobility and Intercultural Exchange Unit, matapos ang matagumpay na partisipasyon ng isang estudyante mula sa CLSU sa University Mobility for Asia and the Pacific (UMAP) Discovery Camp sa Universitas Semarang. Ang karanasang ito ang nagsilbing inspirasyon sa CLSU IAO upang ituloy at isakatuparan ang nasabing programa.
Idinisenyo ang programang ito upang mabigyan ang mga estudyante ng mas malalim na pag-unawa sa wika, sining, kultura, at mga kaugalian ng Indonesia. Bahagi ng inaasahan na maging karanasan sa paglahok sa Bahasa Indonesia bagi Penutur Asing (BIPA) classes ay mga workshop sa traditional na music at dance, at mga gawaing kultural tulad ng paggawa ng batik, pagbisita sa mga museo, at educational field trips sa Surakarta at Semarang.
Bagamat mula lamang sa iisang programa ang mga kalahok sa nagpasimulang grupo, layunin ng IAO na palawakin pa ang saklaw ng exchange program sa mga susunod na taon upang mabigyan din ng pagkakataon ang mga estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo at departamento ng CLSU.

