CLSU, PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA, MAGKAKATUWANG SA PAGPAPALAGANAP NG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA SA AGRIKULTURA
Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa ika-apat na regular na pagpupulong ang pagbibigay ng awtoridad kay Governor Aurelio Umali bilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan upang lumagda sa kasunduan kasama ang Central Luzon State University (CLSU) para sa pagpapatupad ng TechnoVillage Development Program (TVDP) at Keeping A Modern Agricultural Landscape through Integrating CLSU Generated Technologies (KAMALIG).
Ayon kay Dr. Aldrin Esguerra-Badua, Director ng University Extension Program Office ng CLSU, layunin ng kasunduan na maipalaganap at magamit ng mga Novo Ecijano—partikular ng mga magsasaka at mangingisda—ang mga makabagong teknolohiyang binuo ng unibersidad.
Ilan sa mga pangunahing teknolohiyang isusulong ay ang:
- Tilapia Production (gray at red strain)
- Itik Pinas Production na may mas mataas na kakayahang mangitlog
- Pigmented Rice Production (purple at black rice) na may mataas na nutritional value at siguradong mercado
- Mushroom Production
- Soybean Production
- Goat Production para sa gatas at karne
- Organic-based Vegetable Farming
Bukod sa makabagong pamamaraan ng produksyon, nakapaloob din sa programa ang pagbibigay ng limitadong start-up kits para sa mga model farm tulad ng fingerlings, ducklings, at binhi ng palay.
Bahagi rin ng programa ang pagbibigay ng pagsasanay, paggabay, pagtuturo sa mga magsasaka at tulong sa pagma-market ng mga produkto.
Samantala, isusulong din ang KAMALIG Project na nagsisilbing agri-tourism site sa loob ng CLSU na may lawak na dalawang ektarya.
Tampok dito ang lahat ng teknolohiya ng unibersidad na maaaring bisitahin ng mga estudyante, magsasaka, at iba pang mamamayan upang makita ang aktwal na aplikasyon ng mga ito.
Ayon kay Dr. Jovita Agliam, Nanunungparang Panlalawigang Agrikultor, malinaw ang adhikain ng programa, ito ay para sa pagpapaunlad ng mga kanayunan at mga maliliit na magsasaka ng Nueva Ecija.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahan na ang Nueva Ecija ay lalo pang makikilala—hindi lamang bilang rice granary ng bansa, kundi bilang sentro rin ng makabagong teknolohiya sa agrikultura.

