COACH BAGS, GAWA SA PAMPANGA AT TARLAC
Libu-libong skilled Filipino workers ang nagtatrabaho sa mga manufacturing plant sa Pampanga at Tarlac na gumagawa ng mga luxury bags para sa kilalang American brand na ‘Coach.’
Sa Pampanga, isang malaking manufacturing plant na may tinatayang 11,000 na Pilipinong manggagawa ang nagpo-produce ng iba’t-ibang high-end Coach items tulad ng wristlets, handbags, at signature totes.
Ayon sa pamunuan ng planta, ang bawat produkto ay dumaraan sa masusing quality control upang masigurong pasado ito sa pamantayan ng international luxury market.
Samantala, ang unang Coach bag factory sa Pilipinas ay matatagpuan sa Capas, Tarlac, at pinapatakbo ito ng D’Luxe Bags Philippines, isang unit ng kilalang Luen Thai Group, na isa sa mga sikat na pangalan pagdating sa global garments at fashion manufacturing.
Gayunpaman, hindi maaaring direktang makabili ng Coach bags mula sa mga planta dahil ang lahat ng produkto ay eksklusibong ine-export at ipinapadala lamang sa mga opisyal na Coach boutiques sa ibang bansa.
Ang produksyon ng Coach bags sa Pampanga at Tarlac ay patunay na ang husay ng mga manggagawang Pilipino ay hindi lamang pambansa, kundi pang-world class.

